-- Advertisements --

Kinumpirma ni AFP Spokesperson, Col. Ramon Zagala, na pumanaw na si 1st Infantry Division assistant commander Brig. Gen. Bagnus Gaerlan Jr. dahil sa Covid-19.

Ayon kay Zagala, binawian ng buhay si Gaerlan kaninang umaga sa Pagadian City hospital kung saan ito naka-confined.

Wala pang ibang detalye na inilalabas ang AFP sa pagpanaw ng opisyal.

Gayunman, nagpaabot na sila ng pakikiramay sa pamilya ni Gaerlan.

Bago naging assistant commander ng 1st ID, si Gaerlan ay dating commander ng 102nd Infantry Brigade.

Magugunita na nagpositibo din sa Covid-19 si AFP Chief of staff Lt. Gen. Jose Faustino, gayunpaman asymptomic ang heneral.

Samantala, nagpa-abot ng taus-pusong pakikiramay ang pamunuan ng AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) sa pamilya ni Brigadier General Bagnus Gaerlan, assistant commander ng 1st Infantry Division ng Philippine Army.

Ayon kay WestMinCom spokesperson Major Alfie Alonzo, binawian ng buhay ang heneral dahil sa acute respiratory failure secondary to COVID-19 pneumonia.

Nagpositibo sa antigen test ang heneral noong September 2 at nagpositibo rin sa RT-PCR test noong September 3.

Sinabi ni Alonzo, nakumpleto na rin ng heneral ang dalawang doses ng bakuna kontra COVID-19 kung saan Sinovac vaccine ang itinurok sa kaniya.

Si Gaerlan ay miyembro ng PMA “Makatao” Class of 1989 at ikaapat na miyembro ng kanilang klase na nasawi sa coronavirus.

Ikinalungkot naman ng mga mistah ni Gaerlan ang pagpanaw nito.

Ayon kay MGen Ernesto Torres, Phil Army chapter president ng PMA class 1989 sila ay nalulungkot sa nangyari.

Sinabi ni Torres, tatlo pa nilang mistah sa PMA class 1989 ang nasawi dahil sa Covid-19.

Samantala, ayon naman kay AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala na sa ngayon nasa 1,323 ang active cases sa kanilang hanay as of September 5,2021.

Sinabi ni Zagala nasa 35 sundalo na ang nasawi dahil sa coronavirus 2019.