-- Advertisements --

Pinayuhan ng mga lider ng Kamara si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hintayin ang pormal na imbitasyon ng Mababang Kapulungan para masabi ang kanyang mga alegasyon at ilabas ang kanyang mga hawak na ebidensya kaugnay ng anomalya sa mga infrastructure project.

Nauna rito, ilang ulit na sinabi ni Magalong na hinahamon siya ng Kongreso na tumestigo ngunit hindi pa rin siya nakatatanggap ng opisyal na imbitasyon.

Binigyang-diin naman ni Manila Representative Bienvenido Abante na pagbibigyan ng Kamara ng buong kortesiya ang alkalde kapag siya ay dumalo, at tiniyak na hindi siya haharapin nang may pagka-hostile taliwas sa kanyang mga pangamba.

Dagdag pa ng mambabatas, hindi dapat mabahala si Magalong dahil ipadadala rin sa kanya ang pormal na imbitasyon para humarap sa imbestigasyon.

Sumang-ayon din si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chair ng House Committee on Public Accounts, at sinabi na bibigyan ng buong respeto si Magalong kapag ito ay tumestigo, ngunit kinakailangan muna nitong magbigay ng buong detalye sa ilalim ng panunumpa.

Binigyang-diin niya na dapat magharap si Magalong ng kongkretong ebidensya at hindi lamang mga alegasyon.

Mariing binigyang-diin ni Abante na suportado ng Kamara ang exposé ni Magalong ngunit kinakailangang may pangalan at dokumentong susuporta sa kanyang mga pahayag.

Nang tanungin kung iimbitahan si Magalong sa September 2 hearing hinggil sa mga flood control project sa Bulacan, nilinaw ni Ridon na hindi pa siya isasama.

Ngunit iginiit ni Abante na malapit na ring maganap ang pagdalo ng alkalde.