-- Advertisements --

Natalakay sa isinagawa at sinimulang serye ng Judicial and Bar Council ‘public interview’ para pagka-Ombudsman ang usapin patungkol sa lifestyle check ng mga opisyal ng gobyerno. 

Kung saan sang-ayon ang mga naunang kandidato na sumalang sa naturang interview sa muling pagpapatupad nito. 

Una rito ay ang kasalukuyang chairperson ng Philippine Competition Commission na si Michael Aguinaldo na aniya’y importante na matukoy kung sinong dapat sumailalim sa ‘lifestyle check’. 

Ngunit kanyang iginiit na mahalaga rin na dapat may kapasidad at kahandaan ang kung sino magsasagawa ng ganitong pagsusuri.

Habang pabor din dito si Undersecretary Romeo Benitez ng Department of Interior and Local Government sa implementasyon maging sa mga indibidwal na makikitaan ng koneksyon sa isang opisyal. 

“Lifestyle check is investigatory, it is part of a possible case buildup and I think everybody who is private or connected either by consanguinity or affiliate to the public official subject of the lifestyle check should be included,” ani Usec. Romeo Benitez ng Department of Interior and Local Government (DILG). 

Bagama’t may pagsang-ayon, aniya’y kailangan malinaw ang layunin kung bakit isasailalim ang isang pampublikong opisyal sa ‘lifestyle check’.

Kailangan aniya maging malinaw muna ito lalo na sa kwalipikasyon ng mga indibidwal na isasailalim sa pagsusuri. 

‘There will be subsequent concrete procedures in order to address the solution to the problem, like for example a mere lifestyle check should bring us into what particular action,’ ani pa DILG Usec. Romeo Benitez. 

Samantala ang isa pang kandidato na si Atty. Jonie Caroche Vestido ay ibinahagi ang pagsusulong ng ‘name and shame policy’ sakaling maitalaga bilang Ombudsman.

Naniniwala ang naturang abogado na kailangan ito sapagkat marami umanong mga opisyal ang yumayaman sa gobyerno dahil sa korapsyon. 

“Kailangan meron tayong hiya, karamihan sa mga government officials natin ay hindi nahihiya. Ibabalik natin sa kanila yang hiya na yan. Ibabalik natin yun sa kanilang hiya,” ani Atty. Jonie Caroche Vestido, Ombudsman candidate. 

“Isa sa mga gagawin ko yung ‘name and shame’ talaga. Kailangan magkaroon sila ng hiya sa katawan dahil nakakahiya naman sa mga Filipinos at sila lang yung mga mayayaman nagpapasarap sa pera ng taumbayan,” dagdag pa ni Atty. Jonie Caroche Vestido, Ombudsman candidate.

Nakatakdang magpatuloy ang public interview ng Judicial and Bar Council sa mga kandidato pagka-Ombudsman ngayong araw (August 29, 2025), simula alas-onse ng tanghali.