Dalawang lalaking pulis ang agad na dinisarmahan at kasalukuyang nasa preventive custody matapos silang ireklamo ng isang kapwa pulis na babae.
Ang reklamo ay may kinalaman sa umano’y pangmomolestiya na ginawa ng dalawang lalaki sa loob ng isang patrol car sa lungsod ng Marikina.
Mariing itinanggi naman ng mga suspek ang mga paratang na ito laban sa kanila.
Batay sa ulat , ang tatlong pulis na sangkot sa insidente ay magkakakilala at magkakasama pa sa iisang unit sa loob ng kanilang departamento.
Naganap ang insidente ika-17 ng Agosto.
Ayon kay Eastern Police District Director Police Brigadier General Aden Lagradante, isinakay umano ang biktimang pulis ng dalawa nitong kabaro sa patrol car sa lungsod at nagpark sa isang lugar doon.
Hindi naman naging malinaw ang sexual act bagamat ayon sa biktima, siya ay hinipuan ng dalawang suspect.
Ilang araw rin ang lumipas bago tuluyang naglakas loob ang biktima na magsampa ng pormal na reklamo laban sa kaniyang mga kabaro.
Bilang bahagi ng proseso ng imbestigasyon, pansamantalang inilipat ang babaeng pulis sa Eastern Police District upang masiguro ang kaniyang kaligtasan at kapakanan habang isinasagawa ang masusing pagsisiyasat sa kaniyang reklamo.
Ayon sa opisyal, bagama’t maayos naman ang kaniyang kalagayan, nakita itong umiyak at malungkot dahil sa sinapit.
Sa kasalukuyan, ang dalawang pulis na inirereklamo, na may ranggong Patrolman at Staff Sergeant, ay nasa preventive custody ng Marikina police. Sila ay mananatili sa kustodiya habang isinasagawa ang imbestigasyon.