-- Advertisements --

Binuweltahan ni House Appropriations Committee Chair at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co si Albay 1st district Rep. Edcel Lagman sa pagkuwestyon nito sa pagdagdag ng unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 national budget.

Ginawa ni Rep. Co ang pahayag matapos idulog sa Korte Suprema ng grupo ni Lagman ang pagkuwestiyon sa P449 billion pesos na unprogrammed funds sa 2024 national budget.

Ayon kay Co hindi tinutulan ni Lagman ang naging pagtataas sa unprogrammed appropriations sa mga nagdaang taon.

“When he was a member of the Bicameral Conference Committee in 2023 he also approved unprogrammed funds of the same amount as 2024. Was it because he was recently excluded from the bicameral committee that he now claims unprogrammed funds are illegal?” pahayag ni Co.

Tinukoy pa ni Co na dati ng naging chairperson ng Appropriations committee si Lagman bukod pa sa pagiging miyembro nito ng naturang komite at sa nakaraang 15 taon ay hindi naman umano nito kinukuwestyon ang pagtataas sa unprogrammed appropriations.

Noong Martes ay naghain si Lagman ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestyunin ang legalidad ng ginawang pagtataas ng Bicameral Conference Committee sa unprogrammed appropriations ng 2024 General Appropriations Act.

Sa dalawampu’t pitong pahinang petisyon na inihain ng grupo nina Congressmen  Lagman at Mujiv Hataman, kinukuwestiyon ang excess funds dahil lagpas umano ito sa ceiling ng National Expenditure Program na dapat ay 281 billion pesos lamang.

Kabilang sa mga respondents na pinangalanan ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, Senator Sonny Angara, Congressman Elizaldy Co, Executive Secretary Lucas Bersamin, Budget Secretary Amenah Pangandaman at National Treasurer Rosalia De Leon.

Dagdag pa ni Co na tila makakalimutin na ang mambabatas mula sa sa First District ng Albay.