-- Advertisements --

Naghain ng subpoena para sa apat na lider mula sa hindi tinukoy na mga progresibong grupo ang Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang umpisahan ang imbestigasyon hinggil sa mga kaganapan noong Trillion Peso March Rally sa Maynila noong Setyembre 21.

Ayon kay CIDG Public Information Office Officer-in-Charge PMaj. Helen Dela Cruz, layon nito na bigyang linaw ang mga nangyaring kaguluhan sa Maynila na siyang nagresulta ng pagkakaroon ng mga sugatang pulis at pagkakaaresto ng ilang indibidwal na bahagi ng naturang kilusan.

Ito ay upang malaman kung may kinalaman nga ba ang kanilang mga grupo sa nangyaring gulo at kung sila ba ay may ipinadalang tao para magsagawa ng kaguluhan sa dapat sana’y mapayapang protesta lamang.

Susunod na hakbang naman ng CIDG hinggil sa mga personalidad na kanilang ipinatawag, ay ang pagususmite ng petisyon para sa indirect contempt of court para sa mga inimbitahang indibidwal na hindi tumugon sa kanilang imbitasyon.

Ito aniya ay bilang penalty sa kanilang noncompliance na siyang alinsunod naman sa ipinapatupad na batas hinggil sa paghahain ng subpoena.

Samantala, sa apat na ipinatawag, tanging isang lider lamang ang sumipot at tumugon sa subpoena ng CIDG habang ang tatlo ay patuloy na hinihintay pa sa ngayon ng yunit.

Saad naman ni PNP Spokesperson at Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuano, hindi dito natatapos ang kanilang mga ipapatawag na indibwal dahil posible pa nilang imbitahin ang hindi bababa sa 20 mga personalidad para magpaliwanag sa kanilang himpilan kaugnay sa riot na ito.