-- Advertisements --

Nagpulong ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) at ang Australian Embassy sa Pilipinas upang talakayin ang mga potensyal na larangan ng pagtutulungan upang makakuha ng mas maraming pamumuhunan at dagdagan ang mga oportunidad sa trabaho sa Pilipinas.

Ang pagpupulong ay pinangunahan nina ARTA Secretary Ernesto V. Perez at Australian Ambassador Hae Kyong Yu sa ARTA Central Office kung saan ang magkabilang panig ay nagpahayag ng potential partnership para sa pagtatatag ng mga one-stop shop para sa mga dayuhang kumpanya na interesadong magkaroon ng negosyo sa Pilipinas.

Ito umano ay magpapahusay sa proseso ng pagsasanay at pagkuha ng mas maraming Pilipino para magtrabaho sa Australia simula sa sektor ng kalusugan, at pagpapabuti ng sistema ng regulasyon sa Pilipinas.

Ang pagtatatag ng mga one-stop shop para sa mga dayuhang kumpanya na nagnanais na magpatakbo ng mga negosyo sa Pilipinas ay magpapabilis sa mga kinakailangang proseso para makapagtrabaho sa Australia.

Ipinahayag ni Ambassador Yu ang kasabikan ng kanyang bansa na makipagsosyo sa ARTA, na binanggit na ang ahensya ay gumawa ng mga makabuluhang hakbang sa pag-streamline ng mahahalagang industriya, tulad ng telecommunication sector.

Tinalakay din ng Australian Embassy at ARTA ang pakikipagtulungan sa mga programang pang-ekonomiya at mga short courses na iniayon sa mga pangangailangan ng sistema ng regulasyon ng Pilipinas.