-- Advertisements --

Kinumpirma ni House Committee on Legislative Franchises chairman Gus Tambunting na sinabi na sa kanya ng SMNI anchor na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz ang kanyang “source” ng alegasyong P1.8 billion na gastos umano sa biyahe ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sinabi ni Tambunting na sa kanyang pagdalaw kina Celiz at Lorraine Badoy na kapwa naka-detine sa Batasan Complex ay tinanong niya kung uubra bang isiwalat na ang source.

Ayon kay Tambunting, may source nga itong si Celiz at ang bagay na ito ay idudulog niya sa komite, maging kay Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Romualdez.

Dagdag ni Tambunting na kailangan na i-validate kung Senate staff ba talaga ang tinutukoy ni Celiz.

Pero sa ngayon, ang binanggit lamang ng kongresista na detalye ay lalaki ito at hindi tauhan ng senador.

Dagdag pa ni Tambunting na sina Celiz at Badoy ay sumailalim sa “hunger strike” subalit nasa magandang kalagayan ang mga ito.

Matatandaan na na-contempt ng komite si Celiz dahil sa pagtanggi na sabihin ang kanyang source ng alegasyon laban kay Romualdez at binigyang-diin ang Sotto Law para protektahan umano ang kanyang source.