Posibleng mabulok sa bilangguan ang American national na tinangkang magpuslit ng sanggol sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Manuel Dimaano, chief ng NBI-International Airport Investigation Division (IAID), sinabi nitong kahit gustuhin ng suspek na si Jennifer Erin Talbot na maayos na lamang ang mga dokumento ng sanggol ay malabo na itong mapagbigyan.
Paliwanag niya, nagawa na kasi umano ang naturang insidente at plano talaga niyang ipuslit ang sanggol kaya naman mahaharap ito sa mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Kidnapping, Serious Illegal Detention at paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Sinabi ni NBI Deputy Spokesperson Atty. Auralyn Pascual, ang kinahaharap ni Talbot na kaso ay katumbas ng habambuhay na pagkakulong at multang P2 million.
Isinailalim na rin si Talbot sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Maliban kay Talbot, nahaharap din sa kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang ina ng sanggol na si Maricris Cempron Dulap, 19-anyos.