Hinahanapan na ng pamahalaan ng alternatibong pangkabuhayan ang mga driver ng pampasaherong dyip.

Ginawa ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pahayag sa harap ng pagbabawal pa ring makapasada ang mga jeepney drivers kahit pa balik na ang operasyon ng pampublikong transportasyon sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).

Ayon kay Sec. Roque, may dati nang mungkahi sa Inter-Agency Task Force for the Management of the Infectious Diseases (IATF) na kuhanin bilang contact tracers ang ilang mga jeepney drivers.

May nauna na ring pahayag si Transportation Sec. Arthur Tugade na hindi naman ibig sabihing hindi na talaga makapapasada ang mga pampasaherong dyip.

Inihayag ni Sec. Roque na mayroon lamang tinatawag na hierarchy of transportation modalities kung saan naroon pa rin ang mga jeepney pero inuuna lamang ang mga bus, TNVS, taxi, shuttle service, point-to-point buses, maging ang mga tricycle.