CAUAYAN CITY- Tinawag na fake news ng Department of Labor and Employment ang lumabas na ulat hinggil sa alok na blood money ng mga employer at tatlong iba pang akusado sa pagpaslang sa Kuwait sa OFW na si Jeanelyn Villavende.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi niya na wala itong katotohanan dahil saka lamang papayagang mag-alok ng blood money ang mga akusado kung may hatol na ang korte sa kasong murder kaugnay ng pagpatay kay Villavende.

Itinakda sa March 25, 2020 ang ikalawang paglilitis sa kaso ng pagpatay kay Villavende na dadaluhan ng kanyang ama sa tulong ng pamahalaan.

Sinabi ni Kalihim Bello na kinausap niya ang mga magulang ni Villavende na huwag tanggapin kung mag-aalok ng blood money ang mga employer ni Jeanelyn.