CAGAYAN DE ORO CITY – Handang magbigay ng ayudang pinansyal ang lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro sa lahat ng sundalong sugatan o nasawi na ninirahan sa lungsod.
Mabilis na pinatawag ni Mayor Oscar Moreno sina dating AFP General at ngayong City Councilor Romero Calizo, Peace Process Adviser Ayi Hernandez at City Administrator Teddy Sabugaa na alamin kung may mga “city-based” ba na sundalo mula 4th Infantry Division ang nakasama sa pagbagsak ng C-130 plane sa Patikul Sulu.
Sinabi ng alkalde na nakapadala agad siya ng text message kay dating Armed Forces Chief at ngayo’y Philippine Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. upang magtanong kung may mga “Kagay-anon” ba ang kabilang sa mga casualties at naka-survive.
Lubos ang pasasalamat ng alkalde sa serbisyo na ibinigay nga mga nasawing sundalo lalo na’t ang kanilang kampo ay naka-base sa lungsod.
Aniya, hindi matatawaran ang sakripisyo na kanilang ibinigay sa lungsod at maging sa buong bansa.
Nag-alay ng panalangin at nagdadalmhati ang alkalde sampo ng 19th City Council sa mga pamilyang nawalan ng anak at padre depamilya dahil sa naganap na malagim na trahedya.