Magbabalik sa doubles competition si Alexandra “Alex” Eala ngayong linggo sa Guangzhou Open sa China, kung saan makakapareha niya ang Ukrainian player na si Nadiia Kichenok.
Sasabak sina Eala at Kichenok sa kanilang unang laban sa Lunes ng umaga kontra sa duo nina Emily Appleton ng Great Britain at Qianhui Tang ng China.
Magugunitang si Kichenok, 33 anyos at kasalukuyang No. 62 sa doubles ranking, ay may dalawang WTA doubles titles. Samantala, si Eala ay No. 204 sa doubles at huling naglaro sa doubles noong Wimbledon noong Hulyo 3, kung saan natalo sila ni Eva Lys sa unang round.
Kasabay nito, sasabak din si Eala sa singles event ng torneo. Sa kanyang huling singles appearance sa Japan Women’s Open, nabigo siya sa Round of 32 laban kay Tereza Valentova.