-- Advertisements --

Naglabas ng kumento ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin Remulla hinggil sa alegasyong ‘Patidongan Brothers’ ang umano’y totoong mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.

Kung saan kanya lamang itong itinuring na pera-pera o gawa-gawa lamang ng mga abogado ng pinaghihinalaang mastermind.

Giit umano kasi ng legal counsel ng gaming business tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang, magkakapatid na Patidongan ang tunay na nasa likod o responsable sa naturang kaso.

Ngunit ayon kay Secretary Jesus Crispin Remulla, natural na lamang ang ganitong mga lumalabas pahayag na pilit ibinabaliktad ang istorya.

Habang pagtitiya naman ni Justice Secretary Remulla na hindi malilihis ang kanilang umaandar at nagpapatuloy pang imbestigasyon hinggil sa pagkawala ng mga sabungero.

Aniya’y iisa pa rin ang kanilang layon sa pag-iimbestiga sapagkat ito raw ang kanilang tungkulin.

Kaya’t kanya pang idinagdag na ang anumang tangkang panggugulo sa imbestigasyon ay hindi makakaapekto sa imbestigasyong kanila ng sinimulan.

Samantala, ibinahagi naman ng naturang kalihim na siya’y makakasama ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pagpunta nito sa bansang India.

Dito aniya inaasahan ang kanyang pagpirma sa isang kasunduan kasama ang Indian Minister of Justice hinggil sa Transfer of Sentenced Persons.