-- Advertisements --

Pumalag si Health Secretary Francisco Duque III sa ginawang akusasyon ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. laban sa Department of Health (DOH).

Tinawag ni Duque na “very unfair” ang naging akusasyon ni Locsin hinggil sa umano’y kakulangan ng DOH sa pagbili ng mga syringe na gagamitin sa COVID-19 vaccination program ng Pilipinas.

Wala rin aniya itong basehan gayong mismong ang kompanya na kanilang katransaksyon ang umatras mismo sa deal.

Ayon kay Duque, nais ng kompanyang Procurenet na makibahagi sa bidding ng 50 million piraso ng 0.5 ml na autodisable syringes, pero umatras matapos na makumpirma sa kagawaran na ang approved budget sa kontratang ito ay nasa P119.5 million lamang.

Ibig-sabihin lamang nito ay halagang P2 o nasa USD 4 cents lamang ang presyo na itinakda ng Pilipinas sa bawat bibilhing syringe.

Sinabi ni Duque na umapela pa ang kompanya kung maaring madagdagan ang budget para sa kontrata gayong hindi nila kakayanin ang pricing na itinakda dito.

Maituturing na iligal aniya kung baguhin pa nila ang presyo na itinakda ng Bids and Awards Committee dahil lamang sa hindi kaya ng isang bidder ang presyong nakatakda sa kontrata.