Madali na lamang umanong matutukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) kung mayroong alcohol o iligal na droga sa katawan ng flight attendant na si Christine Dacera na namatay sa isang hotel sa Makati City.
Ayon sa NBI, kahit dalawang beses nang isinailalim sa otopsiya ang bangkay ng biktima ay mayroon pa rin daw nakuhang 100 mililiters ng bodily fluids sa katawan ni Dacera sa isinagawang ikalawang autopsy sa General Santos City noong weekend.
Sa pamamagitan daw nito ay maari nang matukoy ng NBI kung ano ang mga inimom ni 23-anyos na fllight attendant bago ito namatay.
Ang mga fluids at organs naman ni Dacera ay sasalang muna sa DNA analysis.
Sinabi ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin na mayroon na raw silang interesting leads sa krimen at tiwala itong magkakaroon na ng resulta ang imbestigasyon sa mga susunod na araw.
Maging ang mga biological samples mula sa hotel ay sinusuri na rin ng NBI.
Sa ngayon hinihintay na rin ng NBI ang resulta ng tests na isinagawa ng Makati Medical Center sa katawan ni Dacera na sinasabing agad idineklarang dead on arrival.
Kahapon nang ipinatawag ng NBI ang mga indibidwal na nasa hotel na nakasama ni Dacera bago ito mamatay.
Pati raw ang mga indibidwal na nasa kabilang hotel rooms na naka-check in noong naganap ang insidente ay ipinatawag ng NBI para magbigay ng kanilang testimonya.
Madali lamang daw nakilala ng NBI ang mga ito dahil nasuri na rin ng NBI ang mga CCTV footages sa hotel partikular sa reception, entrance, lobby, cooridor maging sa loob ng elevator.