Posibleng hindi na makakadalo sa turnover ceremony na nakatakda sa darating na October 29 si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde.

Pinili kasi ni Albayalde na i-avail ang non-duty status epektibo ngayong araw, October 14, at hihintayin na lamang ang kaniyang araw ng retirement sa November 8.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, “personal reasons” at dahil na rin sa pagkakasangkot sa kaniya sa “ninja cops” ang naging rason ng resignation ni Albayalde.

Labis aniyang naapektuhan ang personal na buhay ni Albayalde at ang kaniyang pamilya sa kontrobersya kaya nagdesisyon itong magbitiw na sa puwesto.

Paliwanag ni Banac na ang pag-avail ni Albayalde ng non-duty status ay paghahanda para sa kaniyang pagretiro sa serbisyo.

Ibig sabihin, hindi na gaganap si Albayalde sa official function nito.

Inihayag naman ni Banac na wala ng mangyayaring turnover ceremony sa October 29, kundi “assumption of office” na lamang ng bagong PNP chief.

Kanina, nagkaroon na ng simple turnover sa pagitan nina PNP Chief Oscar Albayalde at Lt Gen. Archie Gamboa na pinangunahan mismo ni Interior Secretary Eduardo Ano.

Ayon kay Banac, maaari nang mag-appoint ng bagong PNP chief si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government sa ninja cops kasama ang PNP chief.

Inaantabayanan na rin ng PNP ang resulta ng imbestigasyon.

Una nang sinabi ni Sec. Ano na sa darating na Biyernes, October 18, isusumite na nito sa Pangulo ang shortlist na pagpipilian para maging susunod na PNP chief.