Aminado ang presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP) na maaaring mahawa sa COVID-19 ang isang sanggol na isinilang ng buntis na tinamaan ng naturang sakit.
“So karaniwan yung naipapakita eh nahawa na lang dahil pagkapanganak siyempre, nailalapit po sa kanilang mga nanay and dun na po nagkakaroon ng tyansang magkahawaan,” ayon kay Dr. Anna Lisa Ong-Lim.
Nilinaw ng eksperto na wala pang matibay na basehan na nagsasabing pwedeng mapasa ng isang infected na buntis ang COVID-19 habang nasa sinapupunan ang sanggol.
Iminungkahi ni Dr. Ong-Lim sa mga bagong panganak na nanay na sundin pa rin ang protocols, gaya nang pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay kung kakargahin o hahawakan ang bagong silang na bata. Lalo na raw kung sila ay magpapa-breastfeed.
“Particularly yung pong may konting ubo, nagkalagnat o kahit konting sabihin na nating pananakit ng lalamunan, maganda pong parating naghuhugas ng kamay, sila po ay dapat naka-mask, maaari naman pong mag-breastfeed pero yun nga po iingatan lang po natin yung ating oral secretions yun pong ating bibig, ilong, parati pong nakatakip para hindi po natin malipatan ng mikrobyo yung ating mga babies.”
Ilan daw sa mga kilala nang sintomas ng COVID-19 sa mga sanggol batay sa pag-aaral, ay ang kaunting ubo, lagnat, pananakit ng lalamunan at pagdudumi.
“Ang pinakamagandang senyales is yung nakakakain ba, dumedede ba, nainom pa ng husto, masigla pa ba sya, kasi kapag ang mga sintomas na ito pagkanakikita natin malikot ang bata, masigla siya, nakakakain ng maayos, karaniwan, ke-COVID pa siya o hindi pwede po nating tutukan sa bahay kasi nga alam naman natin na kapag inilabas natin siya sa isang health facility magpunta maaaring dun din siya mahawa.”
Paalala rin ng eksperto na tutukan kung matamlay ba ang sanggol, ayaw kumain, madalas matulog at hindi na naglalaro.
At kahit nasa gitna ng pandemic na krisis ang bansa, binigyang diin ni Dr. Ong-Lim ang kahalagahan nang pagpapabakuna ng mga sanggol laban sa iba pang sakit.
“So please remember to continue with our vaccination schedule either thru coordination with our pediatrician o dun po sa pagsangguni sa ating mga health centers.”
Batay sa huling tala ng Department of Health, 25 sanggol ang tinamaan ng COVID-19.
Si Dr. Ong-Lim ay miyembro rin ng Technical Advisory Group at chief ng Infection and Tropical Disease sa Philippine General Hospital.