Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sagot pa rin nila ang gastusin ng mga pasyenteng infected ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay kahit lagpas na raw sa April 14 na unang deadline na kanilang inanunsyo sa mga mag-apply na pasyente.
“Actually tuloy-tuloy yon, nasabi namin starting February 1 until April 14 sasagutin namin ang buong bill ng COVID-19 patient na na-ospital,” ani PhilHealth spokesperson Dr. Shirley Domingo.
Paliwanag ng opisyal, naglagay lang sila ng deadline noon dahil wala pang hawak na data ang tanggapan para pagbasehan ng magiging case rates ng COVID-19 patients.
Nakasaad sa isang PhilHealth Circular na may petsang April 14, 2020 ang Guidelines on the COVID-19 Community Isolation Benefit Package.
Sa ilalim nito, may naka-set ng case rate packages ang ahensya para sa COVID-19 patients na maa-admit sa mga level 1 hanggang level 3 hospitals.
“For mild pneumonia ito ay P43,997; doon sa moderate pneumonia, ito ay P143,267; ang severe pneumonia naman ay P333,519; while yung critical cases naman (ng pneumonia), ito ay P786,384.”
Dahil umiiral na ang Universal Healthcare Law, ayon kay Dr. Domingo, kahit hindi rehistradong miyembro ng PhilHealth ay pwede na ring mag-avail ng package ang kahit sinong Pilipino.
Maging ang mga dating miyembro na naudlot na sa pagbibigay ng kanilang kontribusyon ay sagot din.
Pati na ang mga pasyenteng naka-admit sa ospital na suspendido na ang accreditation sa PhilHealth.
Kailangan lang daw mag-fill up ng pasyente sa designated form at mag-presenta ng proof of identity gaya ng valid ID at birth certificate.
Hinihimok lang ng PhilHealth ang mga non-member na makakatanggap ng benefit package na magpa-rehistro kapag sila ay na-discharge na para sa kanilang database.
Paglilinaw naman ni Dr. Domingo na ang nasabing case rates ay applied lang sa mga itinuturing na probable at confirmed COVID-19 cases.
Ssagot din daw ng PhilHealth ang gastos sakaling mamatay ang isang pasyente ng COVID-19.