BUTUAN CITY – Isasa-ilalim sa inquest proceedings sa susunod na linggo ng San Francisco Municipal Police Station ang mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12 ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa isang pulis na nahuli sa isinagawang drug buy-bust operation sa Purok 2, Barangay Alegria, bayan ng San Francisco, Agusan del Sur.
Ayon kay PLCol Milan Naz, hepe ng pulisya sa San Francisco, positibo sa paggamit ng shabu ang kanilang nahuling aktibong pulis na kinilalang si Patrolman Edwin Pinca, 32-anyos, may asawa, at residente ng Purok 6, Barangay Amaga, bayan ng Barobo, Surigao del Sur.
Bukod sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, nakumpirma rin ng mga otoridad na siya ay sangkot sa pagbebenta matapos nila itong makatransaksyon at nabilhan pa ng kanilang poseur buyer.
Ayon pa kay LCol Naz, matagal na nilang minamanmanan ang nasabing pulis na aktibong naglilingkod at nakatalaga sa Regional Communication and Electronic Unit ng Police Regional Office-12 na nakabase sa General Santos City.
Napag-alamang naka-work from home ito mula pa noong Pebrero ngayong taon matapos siyang magkasakit ng spinal tuberculosis, na tatagal pa umano hanggang Pebrero ng susunod na taon.
Sa imbestigasyon, iginiit ng pulis na gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot upang umano’y mabawasan ang sakit na dulot ng kanyang karamdaman.