KALIBO, Aklan – Mariing pinabulaanan ng Aklan provincial government na nagkaroon ng paglabag sa carrying capacity sa isla ng Boracay noong Semana Santa.
Ayon kay provincial administrator Atty. Selwyn Ibarreta na base sa kanilang record, umaabot lamang sa halos 10,000 ang tourists arrival sa Boracay noong Abril 14 habang mahigit 11,000 naman noong Abril 15 taliwas sa lumalabas na report na pumalo ito sa mahigit sa 22,000.
Ang naturang datos umano ay mula sa inisyu na QR code at mga resibo na nakolekta sa terminal fee.
Nanindigan naman si Atty. Ibarreta na handa silang harapin ang isasagawang imbestigasyon upang patunayan na walang nangyaring paglabag.
Posible umano na ang datos na hawak ng Department of Tourism (DOT) ay mula sa Malay Tourism Office at hindi naibawas ang bilang ng mga palabas na turista.
Sinabi pa nito na may average pa rin na mahigit 4,000 hanggang 6,000 ang tourists arrival sa Boracay bawat araw.