BUTUAN CITY – Mariing pinabulaanan ni General Maurito Licudine, commanding officer ng 402nd Brigade, Philippine Army ang ipinakalat na impormasyon ng New People’s Army (NPA) na daan-daang mga pamilya umano mula sa Zapanta Valley sa bayan ng Kitcharao, Agusan del Norte ang lumikas dahil sa kanilang nagpapatuloy na military operations.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, aminado si Gen. Licudine na naglunsad sila ng military operations matapos umanong patayin ng mga rebelde si Roy Biyog, tribal leader ng Mamanwa na taga-Alegria, Surigao del Norte sa may Brgy. Camp Edwards na mula sa Brgy. Hinimbangan sa lungsod sa Kitcharao.
Ito ay maliban pa sa pangho-hostage ng mga rebelde sa siyam na mga sibilyang nagbi-bird hunting kung saan isa sa kanila ang pinatay.
Aminado ang opisyal na sa tatlong araw nilang operasyon ay kanilang na-engkwentro ang mga rebelde kung kaya’t nakumpirma nila ang lokasyon ng mga ito sanhi ng ginawa nilang airstrike gamit ang mga rockets at machine guns.
Samantala, nilinaw naman ng opisyal na walang katotohanan ang ipinakalap na impormasyon ng grupo na nagsilikas na ang mga residente sa nasabing lugar dahil sa kanilang operasyon.
Ito’y dahil may bendisyon ito ng mga residente maliban pa na suportado din ito ng probinsyal na pamahalaan ng Agusan del Norte kung kaya’t binibigyan ng mga relief goods ang mga residenteng hindi makapagsaka sa kanilang mga sakahan dahil sa patuly pang operasyon.