Napigilan ng pamahalaan ang tangkang pag-deregister ng ilang air assets ng mga kumpanyang konektado sa nagbitiw na kongresistang si Zaldy Co, ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon.
Iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na may tatlong chopper na sinubukang ide-register ng mga kumpanyang may kaugnayan kay Co at sa kanyang pamilya, kabilang ang Misibis Aviation at Hi-Tone Construction.
Ayon kay Sec. Dizon, plano umanong ibenta ang mga air assets na nagkakahalaga ng halos ₱5 bilyon, ngunit dahil sa mabilis na aksyon ng CAAP, napigilan ang pagbenta sa mga air asset.
May direktiba na rin ang CAAP na huwag ide-register ang anumang air asset na nakatala sa listahang isinumite ng DPWH.
Nauna na ngang isinumite ni Sec. Dizon sa Anti-Money Laundering Council ang listahan ng jets at helicopters kasama ang hiling para sa freeze order.
Bagamat wala pang opisyal na utos, tiniyak ng kalihim na tututukan ng AMLC at ng Independent Commission for Infrastructure ang kaso, matapos irekomenda ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Co sa Ombudsman.
Matatandaan, nadawit ang pangalan ni Co, na nagsilbing dating pinuno ng House Committee on Appropriations, sa mga substandard flood control projects at umano’y bilyun-bilyong pisong insertion sa 2025 national budget para sa kwestyonableng proyekto.