Tinuligsa ni Ako Bicol Party-list second nominee ang pahayag ni Rep. Duke Frasco na nagsasabing may “impunity” o kawalan ng pananagutan si dating Kinatawan Zaldy Co, at sinabing ang mga paratang ay pawang haka-haka at walang sapat na batayan.
Ayon kay Garbin, dapat tandaan na ang mga akusasyon ay hindi pa nasasampahan ng kasong kriminal o administratibo, at wala ring hatol mula sa anumang korte o ahensyang may hurisdiksyon.
Ipinapaalala rin ni Garbin na ang karapatang ituring na inosente hanggang mapatunayang may sala ay malinaw na nakasaad sa Article III, Section 14(2) ng 1987 Konstitusyon, at ito ay para sa lahat ng mamamayan kabilang ang mga miyembro ng Kongreso.
Sinabi ni Garbin na ang paghuhusga kay Zaldy Co nang wala pang due process ay isang seryosong banta sa rule of law.
Kinontra naman ni Garbin ang pahayag hinggil sa pananaw na ang pagbibitiw ni Co ay pag-iwas sa pananagutan.
Ipinaliwanag ng Kongresista na ang pagbibitiw sa tungkulin ay hindi nangangahulugang ligtas na sa imbestigasyon.
Tungkol sa alegasyon ng “conflict of interest”, nilinaw na matagal nang iniwan ni Co ang kanyang ugnayan sa mga construction companies bago pa man lumabas ang mga paratang. Dahil dito, wala umanong koneksyon ang kanyang pagkatao sa mga tinutukoy na proyekto.
Hanggang sa ngayon ang isyu ng “billions insertions” ay hindi pa rin napapatunayan, at ang tinatawag na “insertions” sa General Appropriations Act (GAA) ay lehitimong bahagi ng proseso sa Kongreso upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Giit ni Garbin hindi dapat idamay ang Ako Bicol Party-list sa mga alegasyon laban sa isang nominee lamang.
Ayon sa Party-list System Act, ang partido at ang mga nominee ay may hiwalay na legal na personalidad.
Ayon sa pahayag, ang pagbibitiw ni Co ay hindi pagtakas kundi sakripisyo at respeto sa integridad ng institusyon, upang tuloy-tuloy na maisagawa ang imbestigasyon nang walang anumang panghihimasok.