-- Advertisements --

Posibleng hindi na sumapat ang Quick Response Fund (QRF) ng Department of Health (DOH) para magpaabot ng tulong sa mga biktimang naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Cebu kagabi.

Sa pagbusisi ng panukalang pondo ng DOH para sa 2026, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na nabawasan na ang P500 million na Quick Response Fund ng kanilang tanggapan dahil sa mga nagdaang kalamidad. 

Aabot na lamang aniya sa P166 million pesos ang pondo para tulungan ang mga naapektuhan sa Masbate dahil sa bagyong Opong at Cebu matapos mayanig nang malakas na lindol. 

Nagamit na aniya ang QRF para sa Masbate para sa emergency procurement ng mga nasirang medical equipment. 

Hindi pa matukoy ng Health Department kung gaano kalaki ang hihingin nilang dagdag na pondo sa Department of Budget and Management (DBM). 

Dagdag pa ng kalihim, dahil sa maraming kaso ng mga nabalian dulot ng pagbagsak ng mga gusali at istruktura, nakikipag-ugnayan na siya sa PhilHealth upang ipatupad ang “no balance billing” policy para matiyak na lahat ng pasyente, kabilang na ang mga dinala sa pribadong ospital, ay libre ang pagpapagamot.

Bukod dito, magpapadala rin ang ahensya ng mental health at psychosocial team mula sa National Center for Mental Health upang magbigay ng suporta sa mga nakaligtas sa trahedya.

 May nakahanda ring stockpile ng gamot at suplay sa Clark, Pampanga na maaaring agad ipadala depende sa pangangailangan.

Batay sa ulat, kabilang sa matinding napinsala ang simbahan at isang gymnasium sa Bogo City kung saan gumuho ang bubong habang may nagaganap na basketball game, dahilan upang dumami ang bilang ng mga nasugatan at nasawi.