-- Advertisements --

Tinawag ng Department of Justice (DOJ) na “insincerity and complacency” ang kilos at pahayag ng kontrobersyal na kontraktor na si Cezarah “Sarah” Discaya matapos nitong magpakita ng finger heart sign at magbiro sa media habang iniimbestigahan kaugnay ng anomalya sa flood control projects.

Sa video makikita ang pagdating ni Sarah sa DOJ para sa case build-up kung saan nakuhanan si Discaya na nagpapakita ng finger heart sign sa media. Paglabas niya, pabiro pang sinabi nito sa mga reporter na “Gandahan niyo ’yung memes ko.”

Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Jose Dominic Clavano IV, isinasaalang-alang sa imbestigasyon ang inasal ni Discaya at umaasang makikitungo nang maayos at propesyonal ang lahat ng persons of interest sa kaso.

Magugunitang sina Sarah Discaya at ang kanyang asawa na si Pacifico ay nasa ilalim ng Witness Protection Program ng DOJ at kasalukuyang nagsusumite ng aplikasyon upang maging state witnesses—isang hakbang na maaaring mag-absuwelto sa kanila sa mga kasong kriminal at sibil.