-- Advertisements --

Ilang mga bagyo pa ang nagbabanta at inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong ‘ber’ months.

Ayon sa state weather bureau, nasa 9 na bagyo pa ang binabantayang papasok sa bansa bago matapos ang taon.

Kaugnay ito ng La Niña Alert na inanunsyo ng state weather bureau kung saan inaasahan ang 70% o mas higit pa na posibilidad na pamumuo ng La Niña ngayong buwan ng Oktubre hanggang Disyembre at pwedeng magtuloy-tuloy hanggang Pebrero 2026.

Ayon sa Deputy Administrator ng state weather bureau na si Marcelino Villafuertee, ang posibleng ika-16 na mamuong bagyo ay tatawaging “Paolo” at aabot pa sa 5 hanggang 9 pa na tropical cyclone ang papasok sa PAR hanggang sa magtapos ang taong 2025.

Bagaman hindi naman inaasahan na mas malakas kesa sa mga nauna ang mga paparating na bagyo ay pinaghahandaan pa rin nila ang pagpasok nito upang maiwasan ang mas malalaking epekto na maidudulot nito.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Villafuerte ang publiko na palaging maging handa partikular na sa Visayas at Mindanao dahil ito ang kadalasang tatamaan ng mga inaasahang bagyo.