-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Maliban sa Air Seoul na muling nagbalik para sa kanilang pre-pandemic operation sa Kalibo International Airport, inaasahan na may apat na iba pang airline companies ang magkakaroon na ring muli ng direct charter flights.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Aklan manager Engr. Eusebio Monserate, Jr., maituturing aniya itong welcome development sa aviation industry at pagbangon ng ekonomiya ng lalawigan ng Aklan.

Ngayong araw ng Miyerkules, Hunyo 22, nakatakdang magsimula ang T’way Airlines sakay ang tinatayang 200 mga turistang Koreano na magbabakasyon sa isla ng Boracay.

Ito umano ang unang flight nila pagkatapos ng mahigit dalawang taon na pananalasa ng COVID 19 pandemic.

Sa buwan ng Hulyo ay tatlong iba pang airline companies ang magbabalik operasyon sa paliparan.

-- Advertisement --

Pawang magmumula ang mga ito sa Incheon, South Korea kung saan aprubado na nila ang slot o oras ng arrival.

Una rito, sinalubong ang Air Seoul Airbus A330 ng water cannon salute habang ang nasa 176 na turistang pasahero nito ay inaliw ng Ati-Atihan tribe.

Ito ang unang international flight ng paliparan matapos ang mahigit dalawang taon na pagkatingga dahil sa pandemya.