Pinagtibay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) ang kooperasyon para tugunan ang problema sa threat groups upang matiyak ang mapayapa at maayos na halalan 2022.
Nilagdaan nina AFP chief of staff General Andres Centino, PNP chief General Dionardo Carlos, at PCG deputy commandant for operations Vice Admiral Eduardo Fabricante ang Joint Letter Directive (JLD) No. 01-2022 sa ikalawang command conference kasama ang Commission on Elections (Comelec) na ginanap sa Camp Crame, Quezon City.
Pinangunahan ni Comelec acting chairperson Socorro Inting ang pulong na dinaluhan din ng mga field unit commander mula sa AFP, PNP, at PCG.
Sa nasabing pulong binigyang-diin ni Inting ang guidelines at polisiya ng Comelec ngayong halalan.
Ang PNP, AFP at PCG ay deputized agencies ng Comelec.
Sa mensahe ni AFP Chief of staff Gen. Andres Centino, binigyang diin nito ang marching order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa AFP na tapusin ang communist insurgency bago matapos ang kanyang termino, at tiyakin ang pagsasagawa ng ligtas na halalan.
Layunin ng JLD na pahusayin ang koordinasyon ng AFP, PNP at PCG sa pagsampa ng mga kaso, pagsiyasat sa krimen, at pag-usig sa mga pinuno, miyembro, at tagasuporta ng threat groups at kanilang mga financer.
Pinapurihan ni Inting ang unipormadong hanay sa kanilang tungkulin sa panahon ng halalan.
Samantala, nakiisa din si Philippine Army Commanding General, Philippine Army (CGPA) Lt. Gen. Romeo S. Brawner, Jr., sa isinagawang pulong.
Inatasan ni Brawner ang mga Army units na buwagin ang mga private armed groups para matiyak na maging maayod at mapayapa ang national and local election.
“Let me remind you of our two solemn duties in the coming elections: vote and ensure peaceful and orderly elections. We will not tolerate partisan politics and military adventurism,” pahayag ni Brawner.
Pinaalalahanan din ni Brawner ang mga tropa na iwasan mag post, like, share at mag comment sa mga post na politically motivated, controversial, at fraudulent.