Nasa proseso na ngayon ang Philippine Army sa pag trace kung saan nanggaling ang mga nasabat na nasa 1,300 na mga bala mula sa mag-asawang gunrunner.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Lt Col. Louie Villanueva nagsimula na ang kanilang preliminary investigation upang matukoy kung saan at anong unit ng Philippine Army nanggaling ang mga bala.

Samantala, batay sa impormasyon na nakuha ng pulisya, sinabi ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde na galing umano sa armoury ng 7th Infantry Division ng Philippine Army sa Fort Magsaysay,Nueva Ecija ang mga nasabat na mga bala at armas.

” Well yun kasi ang initially na sinabi nung source na nanggagaling doon sa fort magsaysay and fort magsaysay is the headquarters of 7th ID,” wika ni Albayalde.

Sinabi pa ni Albayalde na nakipag ugnayan na rin siya sa commanding general ng 7th ID na si MGen. Felimon Santos at kanilang napagkasunduan na magsagawa ng joint investigation ukol sa insidente.

Ayon pa sa PNP chief siniguro ng Philippine Army ang kanilang kooperasyon sa imbestigasyon.

Giit ni Albayalde na isang seryosong asunto ang pagkakasabat sa mga bala at matataas na kalibre ng armas lalo na kung nanggagaling pa ito mismo sa arsenal ng 7th ID at napupunta sa kamay ng mga terorista.

Una ng sinabi ng PNP na kilalang supplier ng mga bandidong ASG, Maute-ISIS, komunistang grupo at PAGs ang mag asawang bigtime gun runner.

“Yes I have already coordinated with the commanding general of the 7th ID si MGen Filemon Santos who is may classmate and nakapagkasunduan nga na we will be conducting a joint investigation and they are so much willing to cooperate dito sa gagawing imbestigasyon at sabi nga natin na this is a serious matter. Kung talagang totoo na nanggaling sa arsenal nila ito napaka delikado nito, napakarami, almost 13,000 rounds and high-powered firearms na
nanggaling doon at pumupunta sa kamay ng mga terrorists or even criminal groups lalo na sa parteng Mindanao so he assured me na they will cooperate at magcoconduct ng joint investigation with the NCRPO,” paliwanag ni Albayalde.