Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga malisyosong haka-haka ukol sa umano’y mga plano na patalsikin ang Pangulo o magsagawa ng mga hakbang ng destabilisasyon.
Ayon sa AFP, walang basehan, walang katotohanan, at malayo sa realidad ang mga paratang na ito.
Sinabi ni AFP Public Affairs Office (PAO) Chief, Col. Xerxes Trinidad na ang kanilang katapatan ay hindi nakasalalay sa pulitika o personalidad, kundi sa Saligang Batas, sa Republika, at sa sambayanang Pilipino,
Tiniyak din ng militar na ang kanilang tungkulin ay malinaw—ipagtanggol ang mga demokratikong institusyon ng bansa, at hindi makialam sa alitang pampulitika.
Nanindigan ang AFP na sila ay isang propesyonal at disiplinadong puwersa, buo at matatag ang chain of command.
Anila, ang mga tangkang idawit ang militar sa mga intriga ay pagsubok lamang upang maghasik ng pagkakawatak-watak, sirain ang tiwala sa pamumuno, at pahinain ang kampanya ng Pangulo laban sa katiwalian.
Sinisiguro ng AFP sa sambayanang Pilipino na mananatili silang tapat sa kanilang konstitusyunal na tungkulin—isang puwersang may prinsipyo at disiplina, tapat sa watawat, sa Saligang Batas, at sa Republika.
Ang paglilinaw ng AFP ay kasunod ng report na may pinaplanong destabilisasyon para patalsikin sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.