Mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapakalat ng maling impormasyon na nagsasabing “nagbanta” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aalisin ang pensyon ng mga sundalo.
Kasunod ito ng post ni Congressman Kiko Barzaga na may pamagat na, “Breaking News — President Marcos threatens to remove AFP pension in fear of Military sedition.” Giit ng AFP, walang katotohanan ang naturang pahayag; malisyo at sadyang ginawa ito upang linlangin ang publiko.
Nilinaw ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na walang anumang direktiba, pahayag, o patakaran mula sa Pangulo o alinmang ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan dito.
Sa katunayan, patuloy na ipinapahayag ng administrasyon ang buong suporta nito sa mga uniformed personnel, kabilang ang pangangalaga at pagpapanatili ng kanilang pensyon at mga benepisyo.
Paalala ng AFP na ang pensyon ng mga retiradong sundalo ay protektado ng umiiral na batas. Ito ay isang earned benefit bilang bunga ng hindi bababa sa 20 taon ng tapat, marangal, at dedikadong serbisyo sa bansa.
Ayon sa batas, maaari lamang mawala ang pensyon kung ang isang retiradong sundalo ay napatunayang nagkasala sa isang krimen, matapos ang due process at pinal na hatol ng hukuman.
Walang sinumang opisyal ang maaaring basta-basta magpawalang-bisa o mag-withhold ng pensyon.
Hinahamon ng AFP ang lahat ng opisyal ng pamahalaan—lalo na ang mga elected officials—na maging maingat, wasto, at may integridad sa pagbabahagi ng impormasyon.
Anumang pagpapakalat ng maling balita na nagdudulot ng pagkakahati at kawalan ng tiwala ng publiko ay hindi nararapat sa isang lingkod-bayan.
Iginagalang ng AFP ang panawagan nito kay Congressman Barzaga na itigil ang pagpapakalat ng disimpormasyon na nakasisira sa tiwala ng publiko at sa moral ng mga sundalong nagtatanggol sa bansa.