Muling nanindigan at nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang P15 bilyong halaga ng mga ‘ghost projects’ sa ilalim ng kanilang organisasyon at sa ilalim ng kanilang liderato.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, mariing nilang kinokondena ang mga alegasyon na ito mula pa noong taong 2023 hanggang kasalukuyang taon.
Aniya, kailanman ay hindi sila nagpatupad o nag-implementa ng mga proyekto o tumanggap ng pondo para sa pagbuo ng mga naturang pasilidad sa ilalim ng Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS) Projects.
Paglilinaw pa ng tagapagsalita, lahat ng mga military facilities na kasalukuyan nilang ginagamit at mga pasilidad na hindi pa natatapos ay binuo at binubuo sa ilalim at sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at walang kinalaman dito ang kanilang tropa dahil sila lamang ang mga tumatanggap ng mga pasilidad na ito.
Kasunod nito, ang mga alegasyon ay tinawag naman ng AFP bilang mga maling impormasyon at pawang mga paratang lamang na walang basehan.
Ani Padilla, malinaw na ang intensyon ng mga paratang na ito na sirain ang kredebilidad ng Sandatahang Lakas at maging sirain ang tiwala ng publiko sa kabuuan ng kanilang hanay.
Aniya, bagama’t ang pagbibigay prayoridad sa mga proyekto ay nakabase sa kanilang mga operational needs gaya ng pagbuo ng mga barracks, training facilities at iba pang mga gusali, ang mga pondo ay direktang ibinibigay sa DPWH at hindi sa kanilang himpilan.
Samantala, nakaambang naman na magsampa ng mga kaukulang reklamo ang Sandatahang Lakas sa mga personalidad na nasa likod ng mga paninirang puri na ito at pagpapakalat ng mga maling impormasyon hinggil sa kanilang organisasyon.
Pagtitiyak rin ng AFP, sisiguraduhin na patuloy lamang na lalabanan ng kanilang hanay ang mga ganitong mga malilisiyosong pahayag.