-- Advertisements --

Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang mga isinagawa martime cooperative activities ng bansa katuwang ang ibang kaalyado nito ay hindi nagpapakita ng pagiging ‘proxy’ ng kahit sinumang foreign power.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, hindi sila nagsisilbing kinatawan ng kahit anumang bansa.

Aniya kinakatawan ng Sandatahang Lakas at ng Pilipinas ang pagtindig at pagtalima ng bansa sa mga umiiral na international law at maging sa isang rules-based international order para sa isang mas malayang maritime domain sa West Philippine Sea.

Paliwanag ni Trinidad, ang mga isinagawa maritime cooperative activities ng Pilipinas kasama ang mga kaalyadong bansa nito ay hindi para maging sunud-sunuran kanino man.

Aniya, ang mga aktibidad na ito ay para mas mapalakas pa at gawing mas maayos ang kapasidad ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas bilang pagtupad sa kanilang sinumpaang mandato.

Matapos nito ay muling inihayag ni Trinidad na hindi pagiging ‘proxy’ ang kanilang nga ginagawang aktibidad bagkus ay pagtindig ng Pilipinas na mga batas na umiiral sa WPS.

Samantala, nang sagutin naman ni Trinidad ang hinggil sa balak na pagtatayo ng nature reserve plan ng China sa Bajo de Masinloc, ang mga hakbang aniya na ito ng Tsina ay para lamang mas mapalakas ang kanilang pagkamkam sa mga teritoryong sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ang kanilang mga presensiya ay mananatiling iligal at nagpapakita ng hindi pagtalima sa mga umiiral na international laws.