Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumaba ang bilang ng mga namomonitor nilang presensiya ng mga Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, namonitor nila ang siyam na barko ng CCG sa bahagi ng Bajo de Masinloc, namataan din ang isang People’s Liberation Army Navy Ship sa bahagi ng Pag asa Island habang dalawa namang CCG vessels ang nakita sa Ayungin Shoal.
Paliwanag ni Trinidad ang napansing pagbaba ng bilang ng mga namataang barko ng China ay posibleng dahil sa masamang panahon dala ng Supertyphoon Nando. Aniya, halos bumaba ng 14 hanggang 20 ang kasalukuyang bilang ng mga barko ng Tsina sa WPS kumpara sa huling datos nito.
Samantala, patuloy naman ang monitoring at maritime awareness patrols ng Sandatahang Lakas upang patuloy na maprotektahan ang soberaniya at karapatan ng bansa sa exclusive economic zones (EEZ) nito.














