-- Advertisements --
gen noel clement
Lt. Gen. Noel Clement (photo from Central Command, AFP)

Kinondena ni AFP Chief Gen. Noel Clement ang pagpuri ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chair Jose Maria Sison sa pagkakapatay ng New People’s Army (NPA) sa anim na mga sundalo sa Borongan, Eastern Samar.

Sa statement na inilabas ni Gen. Clement, ito ay patunay lang na iisa lang ang layunin ni Sison at ng NPA na maghasik ng terorismo.

Hindi aniya kataka-taka na ikinatutuwa ni Sison ang paghahasik ng kamatayan at kapinsalaan, gayong nahaharap ito sa patong-patong na kaso ng pagpatay dahil sa kanyang papel sa Inopacan massacre.

Tiniyak ni Clement na hindi titigil ang AFP hanggat hindi napagbabayaran ng NPA ang kanilang patraydor na pag-atake sa mga sundalo na rumersponde sa paghingi ng saklolo ng mga mamamayan.

Anim na sundalo ang namatay at 20 iba pa ang sugatan, habang isang NPA ang napatay.

Ipinaabot naman ni Clement ang pakikidalamhati ng buong AFP sa mga pamilya ng anim na magigiting na sundalo na nagbuwis ng kanilang buhay sa pagtatanggol ng kapayapaan.

Ipinagutos ng hepe ng militar ang agarang paglalabas ng mga benepisyo para sa mga pamilya ng nasawi at gayun din sa mga sugatang sundalo.