Iniutos na ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na ilagay sa half mast ang mga bandila sa lahat ng kampo ng militar sa buong bansa, bilang pagluluksa sa pagkasawi sa 47 nilang mga kasamahan mula sa bumagsak na C130 cargo plane ng PAF.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Captain Jonathan Zata, anim na araw ilalagay sa half mast ang mga bandila sa lahat ng kampo ng militar na magsisimula nitong Lunes.
Pero sa mga kampo na mayroong mga nakaburol na sundalo na naging biktima ng pagbasak ng C130 plane nitong nakalipas na Linggo sa Sulu ay naka-half mast hanggang sa ilibing ang mga ito.
Una nang tiniyak ng pamunuan ng AFP na bibigyan ng nila ng maayos na libing ang kanilang mga tauhang namatay sa trahedya at sasagutin ang gastos ng mga sundalong patuloy na ginagamot sa mga ospital.