Sinaluduhan ni AFP chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang mga health frontliners na patuloy na lumalaban sa COVID-19 pandemic.
Ang pagkilala ng AFP chief sa mga health workers ay kanyang inihayag sa paggunita ng Araw ng Kagitingan.
Nanalangin ang AFP chief na makakuha ng inspirasyon at lakas ang buong bansa para labanan ang pandemya gayundin mula sa mga beterano na nagtanggol sa bansa.
Ipinamalas aniya ng mga beterano ang kanilang determinasyon na lumaban sa harap ng “overwhelming odds” na nagbunga sa kalayaan, kapayapaan at demokrasya na tinatamasa ng kasalukuyang henerasyon.
Ganito rin aniya ang ginagawa ngayon ng mga healthcare workers upang maibalik sa normal ang buhay sa bansa.
Samantala, nanawagan naman si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga mamayan na ipagpatuloy ang pagtutulungan at pagmamalasakit sa bansa.
Ito ay sa gitna ng kinakaharap na pandemya kung saan isa mismo ang kalihim sa mga tinamaan ng COVID-19.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Lorenzana na sa kabila ng matinding pagsubok na kinakaharap ng bansa, ipinamalas ng mga Pilipino ang kagitingan sa paglaban sa pandemya.
Nagpasalamat si Lorenzana sa mga frontliners na nangangalaga ng kalusugan, mga sundalo at iba pang kawani na nagtataguyod ng kaligtasan, at mga kababayang tumutulong sa kanilang kapwa.
Si Lorenzana ay kasalukuyang naka-isolate, pero nasa maayos na kalagayan at ginagampanan pa rin ang kanyang tungkulin sa pamamagitan ng “work from home.”
















