-- Advertisements --

Sisimulan na bukas ang bagong working time ng mga manggagawa sa ilang tanggapan sa lungsod ng Maynila.

Batay sa Executive Order No. 22 s. 2024, ang pasok na dating alas-8:00 o alas-9:00 ng umaga ay magsisimula na ng alas-7:00 ng umaga at magtatapos ng alas-4:00 ng hapon.

Ang Manila Health Department ay magpapa-iral ng nasabing schedule para sa 44 health centers sa lungsod.

Kaya ang mga may transaksyon para sa anumang health concern ay pinapayuhang magparehistro nang mas maaga o bandang alas-6:00 ng umaga.

Maging ang Parks Development Office ng syudad ay adjusted na rin ang schedule.

Kaya ang mga bibisita sa Arroceros Forest Park at Paraiso ng Batang Maynila ay magsisimula na ng alas-7:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Layunin umano ng magkakaibang schedule ng pasok na maiwasan ang malaking volume ng tao sa mga opisina.

Isinaalang-alang din umano ang daloy ng trapiko, mainit na panahon, at tamang distribusyon ng mga empleyado.