-- Advertisements --

Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments Committee on Transportation ang pagkakatalaga kay Vince Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation. 

Si Dizon ang pumalit kay dating transportation Secretary Jaime Bautista. 

Sa pagsalang ni Dizon sa CA, natanong ni CA Assistant Minority Floor leader Rep. Johnny T. Pimentel si Dizon kung kanselado na ang EDSA rehabilitation matapos isuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang proyekto.

Depensa ni Dizon, hindi naman kanselado sa halip nais lamang ng pangulo na humanap ng paraan para mapabilis ang pag-rehabilitate ng EDSA. 

Umaasa si Pimentel na maging matagumpay ang EDSA rehabilitation dahil kapag natapos aniya ang proyekto, ito ang legasiya ni Pangulong Marcos. 

Samantala, sa parehong pagdinig, kinumpirma rin ni Dizon na hindi tinanggap ni Pangulong Marcos Jr ang kanyang isinumiteng courtesy resignation. 

Ang tugon ni Dizon ay matapos sumingit ni Senador Joel Villanueva at tanungin kung nasuri ng palasyo malakanyang ang nominee. 

Umabot na kasi nang mahabang oras ang pagbusisi kay Dizon at kalaunan ay baka bigla na lamang tanggapin ng presidente ang kanyang isinumiteng resignation. 

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation noong Pebrero 21, kasunod ng pagbibitiw ni Bautista dahil sa umano’y isyu sa kalusugan. 

Dati nang nagsilbi si Dizon bilang Presidential Adviser on Flagship Programs and Projects at namuno sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), at bilang “testing czar” at deputy chief implementer ng National Task Force Against COVID-19 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.