-- Advertisements --

NAGA CITY – Magtutunggali sa pagka-kongresista ng ika-apat na distrito ng CamSur o Partido Area ang komedyanteng si Anjo Yllana at incumbent Congressman Arnie Fuentebella.

Ito’y kasunod ng pormal na paghain ng dalawa ng kanilang certificate of candidacy para sa nasabing posisyon para sa nalalapit na 2022 elections.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga, sinasabi na ang pagtakbo ni Yllana ay suportado ng pamilya Villafuerte na matagal ng katunggali sa politika ng mga Fuentebella sa nasabing lalawigan.

Mababatid na naging konsehal si Yllana taong 1998 hanggang 2004 sa Paranaque City at nagsilbi rin bilang vice mayor ng parehong lungsod mula 2004 hanggang 2007.

Nagsilbi rin ang aktor bilang konsehal sa Quezon City taong 2013 hanggang 2019.

Samantala, ang kanya naman na makakalaban na si Fuentebella ay kasalukuyang kongresista ng nasabing distrito.

Mababatid na bago pa ito umupo bilang congressman, nagsilbi rin ito ng syam na taon bilang alkalde ng bayan ng Tigaon, Camarines Sur mula 2007 hanggang 2016.

Si Anjo ang ikatlong showbiz personality na makakatapat ng mga Fuentebella para sa posisyong congressman.

Una si Aga Muhlach, na tinalo ni DOE Usec. Wimpy Fuentebella noong taong 2013.

Noong 2016 naman, kinalaban ni Imelda Papin ang ama ni Arnie na si former Speaker Noli Fuentebella pero natalo rin ang Jukebox Queen.

Mababatid na inendorso ng PDP-Laban si Yllana habang si Fuentebella naman ang lalaban sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition o NPC.

Sa nakaraang eleksyon, libu-libong boto ang naitalang kalamangan ni Fuentebella laban sa kandidato ng angkan ng mga Villafuerte.