-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng Department of Labor and Employment (DOLE-Region 6) ang kaso ng umano’y hindi makataong pagtrato ng isang head engineer at paglabag sa labor rights ng mga manggagawa sa isang construction site sa ginagawang bagong Kalibo public market sa Roxas, Avenue, Kalibo, Aklan.

Ayon kay Atty. Sixto Rodriguez Jr., Regional Director ng DOLE-6 na nakarating na sa kanilang tanggapan ang reklamo ng naturang mga construction worker.

Nabatid na nagsagawa ng welga ang nasa 40 construction worker, umaga ng Martes, Oktubre 13 dahil sa umano’y nangyayaring paglabag sa kanilang labor rights.

Ilan sa mga ito ay ang ilegal na pagpapaalis, hindi pagbabayad ng tamang sahod, hindi makataong pagtrato ng head engineer at kawalan ng safety gear kung saan, patunay dito ang pagka-kuryente ng isang welder noong nakaraang buwan.

Dagdag pa ni Atty. Rodriquez na nakita na rin niya ang pinag-usapang video kaugnay sa mainit na sagutan sa pagitan ni head engineer Rhea Kassandra De Vera at isang construction worker na sa kalagitnaan ng pagtatalo ay makitang dinuro-duro ng engineer ang lalaking trabahador at hinablot pa ang kanyang damit.

Nabatid na ilan sa mga umalis na construction worker ay binayaran na ng kanilang hinihinging huling sahod.

Pinagsusumikapan ngayon ng Bombo Radyo Kalibo na makuha ang panig ng kontrobersiyal na engineer.