ILOILO CITY – Apat na big time scammer ang naaresto sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 6 sa Barangay Airport, Megaworld, Mandurriao, Iloilo City.
Ang mga nadakip ay nagngangalang Norberto Oñas, 63-anyos, at Edgar Oñas, 61, kapwa residente ng Barangay Sta. Ana Estancia, Iloilo; Marybeth Gadia, 37, residente ng Barangay Camambogan, Balasan iloilo; at Atty. Gil Cuñada, 63.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay P/Maj. Jess Baylon, pinuno ng CIDG-Iloilo City Field Unit, sinabi nito na mahigit isang buwan nilang isinailalim sa monitoring ang apat na nabanggit matapos nagsampa ng reklamo ang may-ari ng lupa na kanilang pinagbentahan sa halagang P33 million.
Ayon kay Baylon, matapos ang entrapment operation, narekober sa grupo ang mga sumusunod:
- acknowledgement receipt na pirmado ni Edgar Oñas, Norberto Oñas, Marybeth Gadia at Atty. Gil Cuñada;
- proposal para sa residential lot
- proposal para sa commercial lot
- P4.5 million na bundle na boodle money
- at mga pekeng dokumento
Nahaharap na sa kasong estafa ang abogado at mga kasamang nahuli.
















