-- Advertisements --
dilg BENHUR ABALOS 1

Pinagpapaliwanag na ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. si DILG Pangasinan Provincial Director Virgillio Sison hinggil sa umano’y panghaharass sa asawa ng magsasakang nagpatiwakal nang dahil sa pagkalugi sa sibuyas.

Kasunod ito ng mariing pagkondena ni Senator Imee Marcos sa naging hakbang ng ilang tauhan ng Pangasinan Provincial Police Office laban sa nasabing mga indibidwal.

Ito ay matapos na umano’y puntahan ng Bayambang police sa Pangasinan ang tahanan ni Merlita Gallardo na naging panauhin ng senadora sa isang pagdinig sa Senado noong Martes, Enero 17, 2023.

Siya ay asaawa ni Kagawad Roger Gallardo na nagbigti matapos malubog sa utang sa bangko nang dahil sa pagkalugi nang dahil sa sibuyas.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Abalos na kasalukuyan na niyang pinaiimbestigahan ang umano’y harassment ng mga pulis sa mga magsasaka sa nasabing lalawigan upang malaman na rin kung ano ba talaga ang nangyari ukol dito.

Habang sa bukod naman na pahayag ay sinabi na rin ng pamunuan ng Pangasinan Provincial Office na nagsasagawa na sila ng sariling imbestigasyon dito kasabay ng pagtitiyak na pananagutin nila ang mga sangkot dito sakaling mapatunayang totoo ang mga ulat na ito.

Kaugnay nito ay humingi naman ng paumanhin kay Gallardo at pamilya nito ang Philippine National Police dahil anila sa naging aksyon nito na nagdulot ng pangamba at takot sa kanila.

Kung maaalala, kamakailan lang ay isiniwalat ni Sen. Imee Marcos ang umano’y panghaharas ng mga pulis ng nasabing probinsya sa mga magsasaka doon.

Aniya, walong beses daw nagpabalik-balik ang mga ito sa mga tahanan ng mga magsasaka at sapilitan daw na pinapapirma ng mga pulis ang mga ito ng isang sinumpaang kasunduan na nagbabawi sa kanilang mga naging testimonya sa kanilang dinaluhang pagdinig sa Senado.