Pinarangalan ni US Defense Secretary Pete Hegseth ang sundalong nanita sa kaniya at sa kaniyang mga kasamahan dahil sa pag-iingay malapit sa sagradong Tomb of the Unknown Soldier sa Arlington National Cemetery noong paggunita ng Veterans Day.
Iginawad ni Hegseth ang Joint Service Commendation Medal kay Specialist Iglesias ng 3rd Infantry Regiment ng U.S. Army, na kilala bilang The Old Guard, sa isang seremonya sa Pentagon nitong Huwebes.
“We love soldiers. We love standards. Well done, Specialist,” wika ni Hegseth.
Nag-ugat ang insidente nitong Miyerkules matapos marinig na nagtatawanan at nag-uusap ang grupo ni Hegseth kasunod ng pagkuha ng larawan sa lugar, kaya huminto sa pagpapatrolya si Iglesias at pinaalalahanan silang panatilihin ang katahimikan at paggalang sa lahat ng oras.
Umani ng batikos online at mula sa mga mambabatas ang video ng paninita, ngunit pinuri ni Hegseth ang sundalo dahil sa tapat at propesyonal nitong pagpapatupad ng mahigpit na pamantayan sa bantayog.
Ang Tomb of the Unknown Soldier ay binabantayan nang 24 oras ng The Old Guard mula pa noong 1948 bilang pagpupugay sa mga hindi nakilalang sundalong Amerikano na nasawi sa digmaan, kung saan tungkulin ng mga sentinel na sawayin ang sinumang lumalabag sa katahimikan ng lugar.
















