Nakahanda ang Estados Unidos na muling maglunsad ng mga pag-atake sa Iran sakaling mabigo ang mga negosasyon, ayon kay US Defense Secretary Pete Hegseth.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pagsisikap ng mga negotiator ng Washington at Tehran na maayos ang mga pangunahing pagkakaiba na humahadlang sa pagkakaroon ng isang permanenteng kasunduan.
Sa kaniyang pahayag sa Shangri-La Dialogue, ang premier defense forum sa Asya na ginaganap sa Singapore, sinabi ni Hegseth na mayroong “higit na kakayahan” ang US na ituloy ang operasyong militar kung kinakailangan.
Aniya, sapat at handa ang kanilang mga stockpile ng armas sa iba’t ibang dako ng mundo.
Tiniyak din ng kalihim na hindi tatalikuran ng Amerika ang Asia-Pacific Region sa kabila ng sigalot sa Middle East.
Aniya, “kaya nilang gawin ang dalawang bagay nang sabay. Pinaiigting nila ang kanilang defense industrial base para madoble (2X), matriple (3X), o maging apat na puwersa (4X) ang produksyon ng mga bala sa lalong madaling panahon.”
Saad pa ni Hegseth na bagamat “matiisin” si US President Donald Trump, nais nitong makamit ang isang “matibay na kasunduan” na titiyak na hindi kailanman makakakuha ng nuclear weapons ang Iran.
Bago ito, nagpulong si Trump at ang kaniyang mga top aide sa Situation Room ng White House nitong Biyernes upang magpasya sa usapin ng 60-araw na ceasefire extension sa Iran, subalit natapos ito nang walang malinaw na kasunduan.
















