-- Advertisements --

Arestado ang dalawang lalaki matapos harangin ng awtoridad ang tinatayang P9.53-M na halaga ng exotic wildlife sa isang daungan sa Eva Macapagal Port sa Surigao City, Surigao del Norte nitong Biyernes, Setyembre 18.

Nahuli ang dalawang lalaking driver na ibinabyahe ang mga nakasilong hayop nang walang permit at kaukulang dokumento kung saan na-rescue ang 23 Indian Star Tortoises, dalawang Star Tortoise, dalawang Giant Aldabra Tortoise, isang adult Ploughshare Tortoise, at anim na batang tortoise.

Nasamsam din ang iba’t iba pang specie ng ibon kung saan nakuha sa mga ito ang dalawang White Cockatoo, tatlong Red and Blue Eclectus Parrot, tatlong Green Eclectus Parrot. Kabilang din sa mga na-rescue ang dalawang Bearcat o Benturong.

Kasama rin sa nasamsam ang dalawang aso, isang Golden Retriever at isang Shih Tzu, kabilang ang iba pang mga paraphernalia tulad ng firearm, magazine at bala, cellphone, at isang white utility vehicle.

Tinataya namang nagkakahalaga ng P9,533,385 ang mga nakumpiska sa mga ito, ayon sa PNP.

Samantala, hawak na ng Headquarters Regional Maritime Unit 13 ang mga na-rescue na hayop para sa dokumentasyon, kabilang ang iba pang mga ebidensya. Nakatakda rin i-turn over ang mga hayop sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Mahaharap naman ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Photo Courtesy: Philippine National Police/Facebook