-- Advertisements --

Nagpahayag ng labis na pagkalungkot at nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pagpanaw ng Grade 4 student mula sa Hugo Perez Elementary School-Annex sa Trece Martires City, Cavite.

Sa isang pahayag ngayong Lunes, tiniyak ng ahensiya ang pagbibigay ng kakukulang mga interbensiyon para sa naulilang pamilya ng mag-aaral.

Siniguro rin ng ahensiya na nananatiling pinakamataas na prayoridad nila ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga estudyante.

Kaugnay nito, kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa health authorities para malaman ang buong pangyayari at siyasatin ang kanilang health at safety protocols para sa kapakanan ng bawat mag-aaral.

Hinimok naman ng DepEd ang publiko na sumangguni lamang sa beripikadong impormasyon mula sa health experts kasabay ng ginagawang imbestigasyon sa trahediya.

Nangyari ang insidente noong Hulyo 2 ng kasalukuyang taon, kung saan nagsagawa ang naturang paaralan ng routine deworming activity sa pakikipag-tulungan sa City Health Office.

Ilang mag-aaral ang sumama ang pakiramdam matapos ang aktibidad at noong Hulyo 3, pumanaw ang Grade 4 student makaraang makaranas ng pasintabi po…pagsusuka.

Base sa initial medical findings, iniuugnay ang sanhi ng pagkasawi ng mag-aaral sa isang impeksiyon na humantong sa septic shock.