-- Advertisements --

Nakapagtala ng 98.39% na match rate ang poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa kanilang ginagawang sariling vote count para sa eleksyon ngayong taon.

Ito ang resulta ng kanilang isinasagawang manual audit sa second batch ng mga encoded physical copies ng election returns na hawak nila at ng electronically-transmitted results na kanila namang natatanggap mula sa transparency server ng Commission on Elections (Comelec).

Sa mga datos na nakalap ng PPCRV ay makikita na nangunguna pa rin talaga sina presumptive president at vice president Ferdinand “Bongbong ” Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.

Kabilang na rito ang 28.5% o 30,727 na kabuuang bilang ng mga election returns (ERs).

Bagamat nakapagtala man ng nasa 1.67% na mismatch mula sa 42 ERs na hindi nagtugma, 203 ERs na hindi na maimatch pa ng PPCRV matapos na itigil na ng Comelec ang kanilang transmission ng digital equivalent, at 240 na mga ER na muling isasailalim pa sa verification, ay iginiit ng watchdog na hindi pa rin ito dapat na ikabahala ng publiko.

Ipinaliwanag ni PPCRV spokesperson Atty, Vann dela Cruz na kinakailangan nilang irevalidate ang nasabing 240 na mga ER dahil may mga pagkakataon aniya na hindi nababasa ng makina ang nasabing mga election return o di kaya’y nagkakaroon ng pagkakamali sa pagbilang ang kanilang mga volunteers nang dahil sa pagod na hindi naman maiiwasan.

Ang PPCRV ang katuwang ng Comelec sa mahigpit na pagbabantay sa eleksyon kung saan ay natatanggap nito ang ikaapat na pre-transmission physical copies ng mga election returns na dumadaan naman sa double-blind system kung saan dalawang hanay ng mga encoder ang nag o-audit sa parehong batch ng mga ER.