-- Advertisements --

Nasa 95 barangay sa mga probinsiya ng Batanes at Cagayan ang nanganganib sa mga pagbaha at pagguho ng lupa habang papalapit ang bagyong Francisco sa Northern Luzon.

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) – Cagayan Valley, natukoy na bulnerable sa baha at pagguho ng lupa ang 29 na barangay sa mga bayan ng Batanes sa Basco, Itbayat, Ivana, Mahatao, Sabtang at Uyugan habang 66 na barangay naman ang natukoy sa mga bayan ng Cagayan sa Aparri, Calayan, Gattaran, Gonzaga, Lal-lo, Sanchez Mira, Santa Ana at Santa Teresita.

Ipinaliwanag ni Geologist Aina Claravall na ang mga barangay na natukoy ay sa low-lying at landslide-prone areas na na-monitor ng ahensiya sa mga nakalipas na taon.

Posible aniyang tumaas pa ang bilang ng mga apektadong komunidad sakaling paigtingin pa ng bagyo ang hanging habagat.

Kaugnay nito, hinihikayat ang mga residente na wala sa mga natukoy na lugar na manatiling mapagmatiyag partikular na sa mga naninirahan sa paanan ng bundok na may mga bitak na lupa at mga komunidad na may kasaysayan ng pagbaha at malapit sa mga ilog.

Nag-abiso rin ang bureau sa mga lokal na pamahalaan na maigting na bantayan ang mga kailugan, slopes at drainage systems, at iulat ang sinyales ng paggalaw ng lupa at magsagawa ng pre-emptive evacuations kung kinakailangan.